Panatang Makabayan

"Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa."
Panatang Makabayan, pinakabisado sa atin to mula elementarya hanggang hayskul. Napakaganda ng mensahe pero naisasapamuhay ba natin?


Sa isip



Nag-iisip pa ba tayo ng kapakanan ng ating bayan o sa pansariling interes na lang? 

Maraming mga Pilipino na kapag nakakakita ng mga matatagumpay na kababayan nila ay madalas may mga negatibo pa rin silang nasasabi. Halimbawa na lamang ang pambansang kamao na si Manny Pacquiao, noong nasa rurok pa siya ng boksing ay sobrang daming sumusuporta sa kanya ngunit ngayon na humihina na siya, marami na siyang kritiko na maraming negatibong bagay na sinasabi sa kanya. 

May mga kababayan din tayo na mas iisipin ang sarili kaysa sa bayan. Pinakamagandang halimbawa na lamang dito ay ang kwento ni Andres Bonifacio. Pinapatay ng kapwa Pilipino dahil may mga taong ganid sa kapangyarihan o mataas na posisyon na gustong alisin siya sa mataas na posisyon. 
"Ibigin mo ang iyóng Bayan nang sunod kay Bathala, sa iyong kapurihan, at higít sa lahat sa iyong sarili."-Andres Bonifacio
Mahalin natin ang ating bayan, wag nating kalilimutan na dito tayo nakatira at dito tayo nagmula. Isipin natin ang kanyang kapakanan, magbayad ng tamang buwis, magmalasakit sa ating mga kababayan. Wag ikahiya ang ating pagiging Pilipino, taas noo nating isigaw sa mundo, "Ako ay isang Pilipino!"


Sa salita




Bilang isang Pilipino, nakakalungkot isipin na marami sa atin ay hindi na nagpapahalaga sa ating sariling wika. Aminado ako, di rin ako eksperto sa paggamit nito. Marami akong mga bagay na di alam sa ating wika at ang mga bagay na to ay gusto ko rin na matutunan. Isang halimbawa na lamang ang paggamit ng "rin" at "din""raw" at "daw". Isa to sa mga simpleng bagay na kung papansinin natin ay di pa rin masyadong alam ng ating mga kababayan, marahil ang iba ay wala na rin interes alamin ang mga ito.
“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.”-Dr. Jose Rizal
Masakit isipin na tayo mismong mga Pilipino ang nagtatakwil sa ating wika. May mga eskwelahan na mas pinapahalagahan ang paggamit ng banyagang wika kaysa sa Filipino. Nagkakaroon din ng pag-iisip ang mga tao na kapag hindi ka magaling mag-ingles, ikaw ay bobo o mahirap, commoners ang dating at kapag magaling ka naman dito, matalino at sosyal o mayaman at edukado ka. Ganoon na lang ba kababa ang tingin natin sa sariling atin? Ibabasura na lang ba natin ang ating wika dahil sa inaasam ng karamihan na globalisasyon? Hindi ba natin pwedeng palawakin ang kaalaman sa ating wika habang nagpapaunlad ng bayan? 


Sa gawa



Madalas, kapag ako ay nagbubukas ng twitter, puro reklamo at paninisi sa gobyerno ang aking nababasa. Marami sa atin ay magaling lang sa salita ngunit wala namang tamang aksyon na ginagawa para sa ikabubuti ng ating bansa. Kapag traffic, "kasalanan ng president x yan", kapag walang trabaho, "walang ginagawa ang ating pangulong y".  Sa aking palagay, mas mainam na kumilos o magkusa tayo kung gusto nating may mangyari sa ating bansa at sarili. Gusto natin ng malinis na komunidad at walang baha? Wag tayong magtapon ng ating mga basura sa kanal at kalsada. Simpleng bagay, hindi ba?

Noong unang panahon, sigurado ako na maraming mga Pilipino ang nagreklamo sa pananakop ng mga Espanyol, Hapones, at Amerikano sa atin. Ngunit, may nagawa ba ang mga hinaing nila? Wala, dahil ang mga kumilos ang may mga nagawa. Katulad ng pagbuo ng "Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan" o KKK na siyang nakibaka sa mga Espanyol. Paggawa ni Dr. Jose Rizal ng kanyang mga sulatin na nagmulat sa diwang makabayan ng mga Pilipino, at iba pang mga kilos na ginawa ng ating mga bayani para makamit ang inaasam na kalayaan.
"Sayang ang panahon. simulan mo na ngayon"

Pero mga kapatid, hindi pa huli ang lahat. Kung nais nating mag-iwan ng tatak sa ating bansa, simulan na natin to ngayon. Simulan na nating umaksyon sa mga bagay na gusto natin at bagay na alam nating nagbibigay ng magandang kontribusyon sa ating bayan.


Kuhang larawan ni/mula sa:
  • https://orig00.deviantart.net/7b98/f/2008/191/6/7/678c44cd9ff339a0c44949ada02fd25b.jpg
  • https://i.ytimg.com/vi/Xe61FrBrcbo/maxresdefault.jpg
  • http://www.parefwoodrose.edu.ph/wp-content/uploads/2016/09/LNWWA-01-of-22.jpg
  • "Bayanihan 2" by Bonvallite - Own work. Licensed under CC BY-SA 3.0 via Commons - https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Bayanihan_2.JPG#/media/File:Bayanihan_2.JPG
Nais ko rin magpasalamat kay Bb. Karla Mae Guray sa pagtulong sa akin sa paggawa ng sanaysay na ito.

Comments

  1. This deserves more views. Submit it as guest post at uglywriters.com/submissions so we can spread great articles from you. We promote advocacies like this.

    Thank you. I loved every word.

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

How Fitness Changed My Life

Know Yourself